Nitong Sabado, March 20, 2021 ay tuluyan na ngang nagkabisa ang Law No. 17 of 2020, Determining Minimum Wage for Workers and Domestic Workers, o mas kilala sa tawag na Qatar National Minimum Wage Law, matapos itong mailathala sa National Gazette noong Setyembre 9, 2020.
Samo't sari ang mga reaksiyon na ating narinig o nabasa mula sa ating mga kababayan, katulad ng, paano raw kung mataas na ang sweldo nila, e di mas ibababa pa? Ito po ay isang mali na pang-unawa, hindi po ganun 'yon.
Ang layunin ng nasabing batas ay magtakda ng kontrol sa pinakamababa na sahod na dapat tanggapin ng mga manggagawa at hindi upang ibaba pa ang sahod na dati ng mataas.
Halimbawa, kung ang dati mong sahod ay nasa QR800 lamang, ito po ay magiging isang paglabag sa batas kung ang itinatakda ng batas ay dapat hindi na bababa sa QR1,800 ang sahod (QR 1,000 - basic wage + QR500 (accommodation) + QR300 (food). O kaya, kung ang manggagawa ay pasasahurin ng mas mababa sa QR 1,800 kada buwan (inclusive of accommodation and food allowance), ito po ay magiging isang paglabag din sa batas.
Maaari bang gamitin ng employer ang batas na ito upang ibaba ang sweldo ng manggagawa sa pinakamababang itinakda ng Law No. 17 of 2020? Of course not, Alalahanin po natin na ang taas o baba ng sweldo na ino-offer sa isang aplikante sa trabaho ay nakabase rin sa propesyon, experience, at kakayahan ng isang manggagawa.
Para sa inyong mga tanong o komento, maaari nyo pong isulat sa post na ito, o kaya ay mag post mismo sa Qabayan Forum.