Isa sa magandang reporma na naisulong ng Qatar government ay ang pagkakapasa ng Law No. 15 of 22 August 2017 o mas kilala sa tawag na 'Domestic Workers Law' na nagtatakda para sa mga obligasyon, responsibilidad at mga karapatan ng parehong employer at domestic worker. Ilan sa mga ito ay ang karapatan ng domestic worker para sa kanyang maayos at akmang tirahan, health card, pagpapagamot, at pagkain sa bawat araw. Talakayin natin ang tatlo sa mga karapatang ito.
Akomodasyon
Ayon sa Section 7 ng Domestic Workers Law, sagot ng employer ang maayos at akma na tirahan ng domestic workers. Karapatan ng domestic worker ang makatanggap mula sa employer nang libre ng maluwag, maayos at akma na tirahan (akomodasyon) na kasya ang kanyang kama at cupboard. Dapat na malinis at ligtas ang tirahan. Kung sakaling may ibang kasama sa kwarto, dapat na ang higaan at mga gamit ng worker ay may privacy at ligtas ang mga ito.
Kalusugan
Ayon pa rin sa Section 7 ng Domestic Workers Law, obligasyon din ng employer ang pagpapagamot, gamot o medical equipment kapag ang domestic worker ay nagkasakit o nagkaroon ng injury o pinsala sa katawan dahil sa pagganap nito sa kanyang trabaho nang walang anumang bayad. Karapatan ng domestic worker ang maipagamot kung kaya't kung nagkasakit ito o hindi maganda ang pakiramdam ay dapat na masabi nito sa kanyang employer ang kanyang kalagayan upang madala kaagad ito sa health center o ospital upang maipagamot. Karapatan ng domestic worker ang magkaroon ng health card nang libre. Para sa anumang emergency, maaaring tumawag sa 999.
Pagkain
Ayon pa rin sa Section 7 ng Domestic Workers Law, sagot ng employer ang tamang pagkain ng domestic workers. Karapatan ng domestic worker ang makatanggap ng sapat na pagkain para sa pagpapanatili ng kalusugan nito. Karapatan ng domestic worker ang kumain ng hindi bababa sa tatlong (3) beses bawat araw.
Kung kayo ay may mga tanong, maaari nyo pong e komento rito sa diskusyon na ito, o kaya ay mag post sa Qabayan Forum.