Kadalasan, ito ang tanong ng ating mga kababayan lalo pa't katatapos lamang ang Eid holiday, kung saan ang nasabing tatlong araw ay dapat walang pasok sa mga pampubliko o pribadong tanggapan, Ang tanong, magkano daw ba dapat ang bayad o sweldo kapag ikaw ay pinagtrabaho pa rin sa araw ng iyong pahinga (Friday) o kaya ay mga non-working holidays? Ayon sa Article 75 ng Law No. 14 of 2004 o mas kilala sa tawag na Qatar Labor Law (as amended), ang mga manggagawa ay may karapatan para sa isang kompletong (24 consecutive hours) araw na pahinga, kadalasan ay Biyernes, maliban sa ibang mga manggagawa na may tinatawag na 'shift timings'. Pero, pinapayagan din ng nasabing artikulo na kung kinakailangan, maaaring pagtrabahuhin ng employer ang manggagawa kahit sa araw ng pahinga subalit kinakailangang tumbasan ng ibang araw ang araw na pahinga, at ang magiging bayad ng manggagawa sa nasabing araw ng pahinga ay may dagdag na hindi dapat bababa sa 150%.
Halimbawa, kung ang sweldo ng manggagawa ay QR100 per day, kapag pinagtrabaho sya sa araw ng pahinga (o non-working day), ang magiging bayad o sweldo sa kanya sa araw na 'yun ay QR 100 + 150 = QR250 dapat. Samakatuwid, maliban sa dagdag na sweldo na hindi bababa sa 150%, bibigyan pa rin ng katumbas na bilang ng araw ang manggagawa para magpahinga. Sinasabi pa sa artikulo na bagamat maaari o pinapayagan ang mga employer na pagtrabahuhin sa araw ng pahinga ang mga manggagawa, hindi ito dapat maging magkakasunod. Samantala, meron namang mga kategorya ng manggagawa na hindi saklaw ng nasabing artikulo. Alinsunod kasi sa Article 76 ng Qatar Labor Law, ang mga provisions ng Articles 73, 74, at 75 ay hindi sumasaklaw sa mga manggagawang nasa kategorya na trabaho tulad ng security guards at mga cleaners.
Kung meron kang mga iba pang katanungan ay maaari mong e komento o kaya ay mag-post dito sa Qabayan Forum.