Nitong Agosto 31, 2020 ay naglabas ng bagong batas ang Amir ng Qatar, HH Sheikh Tamim bin Hamad Al Thani na kinabibilangan ng Law No. 18 of 2020) na nag-aamyenda sa kaukulang probisyon ng Law No. 14 of 2004 (Qatar Labor Law) at Law No. 19 of 2020 na nag-aamyenda sa mga kaukulang probisyon ng Law No. 21 of 2015 (Residency Law) - ang parehong batas ay nagbabalangkas ng mga probisyon at paraan para sa paglipat ng isang manggagawa sa ibang kumpanya na mas pinadali at tumatanggal sa tinatawag na No Objection Certificate (NOC). Nailathala ang mga nasabing batas sa Official Gazette noong Setyembre 9, 2020 at nagkabisa na isang araw matapos ang petsa ng pagkakalathala nito.
Sa dating batas bago ang nasabing pag-amyenda, ang isang manggagawa ay makakalipat lamang sa ibang kumpanya ng di na kailangan ang NOC kung natapos na nito ang termino ng kanyang kontrata, o kaya ay ang paglipat nito ay desisyon mismo ng kinauukulan bilang resulta ng napatunayang pang-aabuso ng employer.
Maraming mga OFWs sa Qatar ang maaaring may tanong o kaya ay hindi pa alam ang mga proseso na dapat gawin upang makalipat sa ibang kumpanya ng maayos at naaayon sa batas. Narito ang mga dapat gawin:
Mag download ng Change Employer Form mula sa website ng Ministry of Administrative Development, Labor and Social Affairs (MADLSA), fill-upan at pirmahan ito. Punan ang mga impormasyon tungkol sa sarili (Personal Info) na nasa bandang taas ng form, ang sa bandang baba naman ay mga impormasyon tungkol sa magiging bagong employer. Tiyakin na tama ang mga impormasyong iyong isusulat sa form.
Papirmahan at palagyan ng stamp ang Form sa magiging bagong employer. Para naman sa mga kasambahay, hindi na kailangan ang computer card at stamp sa form.
Mag login sa e-Services page ng MADLSA upang e submit itong Form (application). Tiyakin na tama ang impormasyong iyong isusulat sa online submission katulad ng iyong QID at mobile number na dapat nakapangalan ang simcard sa'yo.
Hintayin ang confirmation ng MADLSA within one week, matapos nitong ma-proseso ang iyong application. Magsesend ito ng notification sa'yo at sa'yong current employer para sa notice period. Kung ang iyong application ay hindi kompleto, makakatanggap ka rin ng notification tungkol dito at kung ano pang mga impormasyon o dokyumento ang kailangan mong e submit.
Sa puntong yan, ang mga susunod na proseso ay gagawin na ng iyong magiging bagong employer, tulad ng mga sumusunod:
Kapag natapos na ang notice period, tutuloy na sa pagproseso ng employment contract ang iyong magiging bagong employer sa pamamagitan ng digital certification services ng MADLSA.
Kapag tapos na ang certification ng employment contract, tutuloy na ang iyong magiging bagong employer sa MOI website o Metrash2 para sa pagproseso ng iyong tuluyang paglipat.
Maaari nyo pong e comment ang inyong iba pang mga tanong at paglilinaw tungkol dito.
May katotohanan po bang nirebisa ang Qatar law na ito dahil inaalmahan ng mga empolyer dito sa Qatar?