Issuance ng OEC paperless na simula October 15
Simula sa October 15 ay gagawin nang paperless ang issuance ng overseas employment certificate (OEC), ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople.
Ibig sabihin, magiging accessible na sa overseas Filipino workers (OFW) ang dokyumento sa pamamagitan ng kanilang smartphones at hindi na sila kailangan pang magsadya sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) upang makakuha ng nabanggit na dokyumento.
Ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-automate at digitize ang issuance ng OEC.
Ang OEC ay ginagamit bilang travel clearance o exit pass sa airport at exemption ng OFWs sa pagbabayad ng travel tax at terminal fees. Katunayan din ito na dokumentado ang isang Pinoy worker.
“Gagawin nating paperless at mobile phone-friendly ang inyong OEC, by October 15, ang mangyayari magda-download kayo ng inyong OEC sa inyong mga telepono at iyon na ang ipapakita niyo sa Bureau of Immigration at sa airport natin,” ang pahayag ni Ople.
Sa katapusan ng buwan ng Setyembre ay isasagawa ng DMW ang alpha at beta test phase ng digital payments para sa OEC sa Pilipinas.