Ang super typhoon na si Rolly na sinasabing pinakamalakas na bagyo na tumama sa mundo ngayong taon ay nag-iwan ng 16 kataong patay bago ito tuluyang humina at lumayo sa Bicol region. Ito ay ayon kay Office of Civil Defense-Bicol Region Public Information Officer Alexis Naz. Dagdag pa Naz, 10 sa mga namatay na ito ay mula sa Albay at ang anim naman ay mula sa Catanduanes.
Sa Batangas, iniulat ni Batangas Governor Hermilando Mandanas na isa sa kanilang lalawigan ang nawawala ng dahil sa bagyo. Bagama’t marami pang unconfirmed cases, sinabi ni Ricardo Jalad, Executive Director ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na ginagawa nila ang lahat para ma-finalize ang bilang ng mga namatay at nasaktan.
Sa ulat ng kanilang tagapagsalita na si Mark Timbal, mayroong 1,468,296 katao o 372,716 na pamilya mula sa Regions II, III, Calabarzon, Mimaropa, at V ang apektado ng bagyong Rolly. Sa bilang na Ito, 416,195 katao ang kasalukuyang nasa mga evacuation centers.
Kumpara sa mga nakalipas na bagyo, malaki ang bilang nito dahil umano sa maagang evacuation ng mga pamilya bago pa dumating ang bagyo. Sa huling ulat ng NDRRMC mula kaninang umaga, may 457,903 residente o 126,300 pamilya ang na-pre-emptively evacuated sa mga lugar ng Regions II, III, Calabarzon, Mimaropa, V, VIII, Cordillera Administrative Region, and National Capital Region.
Inaasahang lalabas ng Pilipinas ang bagyong Rolly, Martes ng umaga.
Comments