Bagamat halos magdadalawang taon pa lamang sa broadcast ang Qabayan Radio, hindi lingid dito ang kahusayan sa trabaho bilang opisyal ng gobyerno ng Pilipinas sa Qatar si Labor Attaché David Des Dicang, dahil na rin sa kanyang itinaguyod na mga programa at reporma sa mga serbisyo ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa bansa.
Maliban sa mga regular na programa ng nasabing opisina, ilan sa mga natatanging tagumpay sa serbisyo na naitaguyod ni LabAtt Dicang ang paglipat ng opisina ng POLO sa mas malapit na lugar upang mas maging accessible sa mga kababayan, kasabay ang pagsassaayos sa mga proseso sa nasabing tanggapan. Itinulak din nya ang pagkakaroon ng online appointment upang mas maging maayos at organisado ang mga opisyal na transaksiyon ng mga kababayang nangangailangan ng serbisyo ng POLO at iba pang mga ahensiyang nakakabit dito.
Dahil sa pagpupunyagi ni LabAtt Dicang at sa suporta na rin ng DOLE sa pamumuno ni Secretary Silvestre Bello III, napundohan at naisakatuparan ang pagkakaroon ng Migrant Workers & Other Overseas Filipinos Resource Center (MWOFRC) na nagsisilbi, hindi lang bilang shelter, kundi isang multi-purpose resource center para sa mga OFWs sa Qatar.
Mas pinalakas din ni LabAtt Dicang ang mga programa para sa mga OFWs katulad ng mga pagsasanay sa Information Technology, Baking, at iba pa, sa pakikipagtulungan ng iba't ibang mga Filipino community organizations at masisipag na mga volunteers.
Higit sa lahat, ang mabilis at aktibong aksiyon ni LabAtt Dicang at ng kanyang Tanggapan sa kabuoan para sa mga problemang kinakaharap ng mga OFWs sa bansa na naidudulog sa kanyang tanggapan.
Dahil dito, karapat-dapat na kilalanin ng nag-iisang Filipino community radio sa Qatar si LabAtt David Des Dicang. Kasama ng pagkilala sa kanya ay ang panalangin ng buong staff ng Qabayan Radio na patuloy pa syang gabayan, ingatan, at pagpalain ng ating Dakilang Maykapal sa susunod nyang pwesto o bansang pupuntahan.
Mabuhay ka LabAtt Des!
Comments